Ang Alamat ng Orani,
Bataan
Oktubre na. Malamig na ang
simoy ng hangin dahil nalalapit na ang Kapaskuhan. Ang mga isda sa ilalim ng
Tulay ng Tagpuan sa sentro ng bayan ay tila giniginaw. Malilikot na
naglalanguyan, naghahabulan, at nagtataguan sa malalapad na dahon ng lotus na
malugod silang tinatangap. Ang pabilog nilang mundo ay payapa at tahimik. Ang
lamig ng panahon ay tinatalo ng init ng kanilang mga damdaming puno ng
kasiyahan at kapanatagan.
Giniginaw din si Aurora.
Galing pa siya sa malapit sa dagat kung saan siya lumaki. Pero nag-iinit ang
kanyang damdamin sa nararamdamang magkahalong takot at pananabik. Natatakot
siyang baka may makakita sa kanya at sa kanyang gagawin at isumbong siya sa kanyang
mga magulang. Nananabik siya sa pagdating ng isang taong gusto niyang laging
nakikita – si Isagani.
Matipuno at makisig si
Isagani. Palibhasa’y sanay sa mga gawaing bukid sa bundok na kinalakihan.
Mayroon silang napakalawak na lupain at maraming mga tauhang gumagawa sa
kanilang bukid, pero hindi iyon ginawang dahilan ni Isagani para hindi siya
magbanat ng buto at lumusong sa putikan.
“Ora, salamat naman at
narito ka na,” pabulong na sabi ni Isagani nang makalapit sa gawin likuran ng
kasintahan.
“Gani!” Nagulat pa si
Aurora dahil hindi niya namalayan ang paglapit ng minamahal. “Kanina ka pa ba diyan?”
“Kadarating ko lang.
Naunahan mo ako ngayon!”
“Maaga ko kasing natapos
ang mga gawain ko bahay,” paliwanag ni Aurora. “Kumusta ka na, mahal ko?”
“Masayang-masaya ako
ngayon. Napakaganda ng bunga ng mga pananim namin. Sa tingin ko ay marami
kaming aanihin. Baka sa makalawa ay magsimula na kaming gumapas ng mga palay.”
Masayang pagkukuwento ni Isagani. “Ikaw, kumusta?”
“Mabuti rin,” sabi ni Ora,
pero mababakas ang lungkot sa kanyang mga mata. “Maraming nahuhuli sa dagat
ngayon. Marami na uling mga isda, hipon, at alimasag na lumilitaw.”
“Ganun naman pala, e bakit
parang malungkot ka, mahal ko?” nag-aalalang tanong ni Isagani.
“Mahal mo ba ako talaga, Gani?”
“Higit pa sa buhay ko.”
“Sana hindi na tayo
magkahiwalay.” Nangingilid na ang luha sa mga mata ni Aurora.
“Bakit naman ganyan kang
magsalita?” Inilapit ni Isagani ang sarili sa kasintahan at masuyo itong
niyakap.
Inihilig ni Aurora ang
kanyang ulo sa balikat ni Isagani bago sinagot ang tanong ng lalaki. “Kasi,
binabawalan na ako ni Itay na makipagkita sa iyo.” Tuluyan nang nalaglag ng
luhang kanina pa pinipigil ni Aurora.
“Bakit daw? Ano’ng
dahilan?” Sunud-sunod na tanong ng nag-aalalang si Isagani.
Hindi agad nakasagot si
Aurora sa tanong ng kasintahan. Sa halip ay parang daluyong ng alon sa dagat na
bumalik sa isip niya ang mga nangyari nang sinundang gabi.
“Itay, may sasabihin po
sana ako sa inyo,” panimula ni Aurora. Itinapat niyang maganda ang huli sa
dagat sa gagawing pagtatapat tungkol sa kanila ng kasintahan.
“Ano yun, anak?” tanong ni
Mang Jose. “Siguro may ipapabili ka sa akin ano?” nakangiting sabi ng ama.
“Sige, anak, sabihin mo at bibilhin ko para sa iyo. Gusto mo ba ng bagong
bestida?” Pati si Aling Ligaya, ang kanyang ina, ay napapangiti rin sa
pag-uusap ng mag-ama.
“Hindi po Itay,” sagot ni
Aurora.
“E ano ang gusto mo?”
nagtatakang tanong ni Mang Jose.
“Meron na po akong mahal,
Itay,” pagtatapat ni Aurora.
“Talaga!” tuwang-tuwang
sabi ng ama, sabay baling sa kabiyak. “Narinig mo ba Ligaya ang sinabi ng anak
mo? Meron na daw siyang napupusuan.” Saka sinabayan ng malakas na tawa.
Hindi napigil ni Aling
Ligaya na lumapit sa anak. “Sino ba ang mapalad na lalaki, anak? Sino ba sa mga
manliligaw mo ang mapalad na nakaakit sa iyong puso?”
Dahil sa nakitang katuwaan
ng mga magulang ay lumakas ang loob ni Aurora. “Si Isagani po, Itay, Inay.”
“Isagani? Sinong Isagani?”
usisa ng ama.
“Si Isagani bang anak nina
Pedro at Payapa?” paniniyak ni Aling Ligaya.
“Siya nga po,” nakangiti
pang sagot ni Aurora. Pero laking gulat niya sa pagbabagong nangyari sa mga
magulang. Hindi pa natatapos ang sagot niya ay galit na galit nang napatayo ang
ama. Agad namang lumapit si Aling Ligaya sa asawa at yumakap dito.
“Tumigil ka sa kahibangan
mong iyan, Aurora!” pasigaw na sabi ni Mang Jose sabay duro ng daliri sa
direksyon ng anak. Madalang lamang siyang tawaging Aurora ng ama, kapag lamang
nagagalit ito sa isang bagay na ginawa niya. Palaging “Ora” o “anak” lamang ang
tawag ng ama sa kanya at may halo pa itong lambing.
“Jose, huminahon ka,” awat
ng ina.
Hindi nakapagsalita si
Aurora sa bilis ng mga pangyayari. Napakaraming tanong ang nagsasalimbayan sa
kanyang isip. Bakit bigla na lamang nagalit ang ama nang banggitin niya si
Isagani? Bakit para siyang gustong saktan ng ama, samantalang natutuwa pa ito
kanina nang sabihin niyang meron na siyang napupusuan? Ano bang mayroon si
Isagani at ganoon na lamang ang galit ng ama sa binata?
Dahil sa kabiglaan ay
hindi niya napigil ang pagpatak ng luha. Binalot ng matinding kalungkutan ang
kanyang isip at puso at dinagdagan pa ito ng matinding pagkalito. Nang makabawi
ay dali dali siyang tumayo at tumakbong umiiyak papunta sa kanyang silid.
Bago siya tuluyang
makalayo ay narinig pa niya ang pasigaw na paalala ng ama, “Kung ayaw mong
mawalan ng magulang, umiwas ka na lalaking iyan!”
“Mahal ko, bakit?” Para
pang nabigla si Aurora sa tinig ng kasintahan na kanina pa pala naghihintay ng
paliwanag sa mga sinabi niya.
“Ewan ko. Hindi
ipinaliwanag ni Itay sa akin. Basta nung sinabi ko sa kanya ang tungkol sa
atin, bigla na lang siyang nagalit at sinigawan ako,” sagot ni Aurora.
Natahimik ang dalawa.
Hindi nila maintindihan ang nangyayari.
Maya-maya ay nagtanong si
Aurora. “Siyanga pala, ikaw ba, nasabi mo na ba sa mga magulang mo ang tungkol
sa atin?”
“Hindi pa rin e. Mamaya
pag-uwi ko, magsasabi na ako,” sagot ng lalaki.
“Sana ay walang maging
problema,” mahinang hiling ni Aurora, pero sa kalooban niya ay naroon ang takot
na dumadaklot sa kanyang puso. Kagabi pa nagsisikip ang kanyang dibdib. “Bakit
ganito ang pakiramdam ko? Bakit hindi ako mapalagay?” mga tanong ni Aurora na
hindi niya mabigkas nang malakas.
“Wala naman siguro. Kilala
ko naman sila. At tiyak kong magugustuhan ka nila,” nakangiting sagot ni
Isagani. “Maganda, mabait, maalalahanin, at higit sa lahat mapagmahal. Saan ka
pa hahanap ng ganyan?”
“Nambola ka pa,”
natatawang sagot ni Aurora.
Kabisadong kabisado na ni
Isagani kung paano siya patatawanin. Parang napakatagal na nilang magkakilala,
samantalang tatlong buwan pa lang silang magkasintahan.
Naghiwalay ang
magkasintahan na parehong nakangiti at may pangakong muling magkikita
pagkalipas ng isang linggo sa dating lugar, sa Tulay ng Tagpuan. Sandaling
nakalimutan ni Aurora ang takot sa kanyang mga magulang. Mahal na mahal niya si
Isagani at handa siyang ipaglaban ang pag-ibig na iyon. Kung hindi rin lang si
Isagani ang makakapiling niya habang buhay, mas mabuti pa sa kanya ang mamatay.
Nakarating si Aurora sa
kanilang bahay na hindi namamalayan ng kanyang mga magulang palibhasa’y abala
sa mga paghahandang kailangan para sa nalalapit na kapistahan ng kanilang
bayan. Sa susunod na Linggo na ang pista. Isa ang pamilya nina Aurora sa mga
kinikilalang pamilya sa barangay na malapit sa dagat. At sa taong ito, ang
kanyang mga magulang ang nahirang na manguna sa mga paghahanda para sa pagdiriwang
ng kapistahan sa kanilang baryo.
Latest Addition...
Tuloy-tuloy si Aurora sa
kanyang silid upang magpahinga. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya
samantalang hindi naman kalayuan ang Tulay ng Tagpuan sa kanilang bahay.
Samantala, nakauwi na rin
si Isagani sa kanila. Naratnan niya ang kanyang mga magulang na nag-aayos ng
kanilang imbakan ng palay. Inaasahan na nila ang masaganang ani. Tamang-tama sa
pista. Inihahanda na rin ng kanyang inang si Aling Payapa ang mga sangkap ng
lulutuin para sa handaan.
“O anak, saan ka ba
galing?” tanong ni Mang Pedro, ang ama ni Isagani. “Kanina ka pa hinahanap ng
nanay mo.”
“Mano po Itay,” sabi ni
Isagani, sabay abot sa kamay ng ama para magmano.
“Nasa kusina ang Nanay mo.
Pumunta ka na agad doon.”
“Opo.” Dumiretso si Isagani
sa kusina at inabutan ang ina na abalang-abala.
“Mano po ‘Nay.”
“Kaawaan ka ng Diyos,
anak.”
“May iuutos daw po kayo?”
“Oo, anak,” sagot ni Aling
Payapa. “Maligo ka na at magbihis. Pupunta tayo kina Pareng Tiago. Doon tayo
maghahapunan, dahil kaarawan ngayon ng kinakapatid mong si Isabel.”
Napangiti si Isagani.
Kaibigan niya ang kababatang si Isabel. Noong bata pa sila, si Isabel ang
madalas niyang makalaro sa mababang burol malapit sa kanilang bahay. Katulad
nila, mga magsasaka din ang mga magulang ni Isabel at magkatabi ang kanilang
lupain. Nag-iisang anak din kagaya ni Isagani.
“Ngayon na po ba ang
kaarawan ni Isabel?” Natatawa si Isagani dahil nakalimutan niya ang kaarawan ng
kaibigan. Masyado kasi siyang nasabik sa muling pagkikita nila ni Aurora. “Sige
po Inay, maliligo na po ako.”
Nang makaalis si Isagani
papunta sa ilog para maligo, pumasok sa kusina si Mang Pedro. “Payapa, sa
palagay mo kaya ay mauunawaan ni Isagani ang gusto nating mangyari?” mahinang
tanong nito sa asawa.
“Hindi ko tiyak, pero sana
ay maunawaan niya.”
Kinagabihan, papunta sina
Isagani sa kanilang pinakamalapit na kapitbahay.
(Itutuloy ko pa po ito...
Pasensya na po kung bitin.)
6 comments:
ORANI SALITANG KASTILA TO
pakikumpleto naman yung alamat, my daughter needs it. please.
Pasensya na po kung hindi ko pa nakukumpleto. Matagal ko na po kasing hindi nahaharap ang pagsusulat nito.
Paki email lang po ako sa thewritecoach4u@yahoo.com kung nais ninyo ng karugtong ng alamat na ito.
Alamat po ito ng ano?
asan na po yung kasunod?
San na po yung karugtong ?
Post a Comment